Rebyu ng Hustisya ng Bikol Xpress

Matindi pa sa kathang-isip
ni Risa Jopson

Rebyu ng Hustisya ng Bikol Xpress
at Sulo ng Bagong Pulitika ng Southern Tagalog Exposure

basahin sa www.pinoyweekly.org

Mga piraso ng totoong buhay ang pelikulang dokumentaryo. Sa kalagayang karaniwan na ang pulitikal na pamamaslang at panunupil, inanak ang mga dokumentaryo tungkol dito.

Handog ng Cinekatipunan, programang libreng sine ng Mag:net bar at café sa Katipunan Avenue, ang pili at bihirang makitang mga alternatibo at art film. Nahila ng Mag:net ang mga mahilig sa pelikula, artista, aktibista, estudyante, at guro noong Hunyo 12, Araw ng Kalayaan. Dinagsa ang dalawang pelikulang mula sa Timog Luson: Hustisya ng Bikol Xpress at Sulo ng Bagong Pulitika ng Southern Tagalog Exposure.

Kaibigan ng mga pesante sa Bicol si Pastor Isaias Sta. Rosa na dinukot at pinatay ng mga militar. Ito ang kuwento ng Hustisya, na naglahad ng talang 770 paglabag sa karapatang tao sa Bikol, buhat nang maupo si Gloria Macapagal-Arroyo sa Malakanyang.

Hindi madaling titigan ang mga larawan ng bayolenteng pinatay: wasak na bungo, babaeng tinilad-tilad, batang pinaulanan ng bala, asawang pinugutan ng ulo. Trenta minutos lang ang pelikula, pero nakakaumay ang pagbibilang sa maraming biktima. Dahil totoong tao, asawa, tatay, anak, at hindi mga aktor sa pelikula, hindi komportable ang pagtatantos sa estadistika.

Kilusang masa ang gumawa ng Hustisya, pahayag sa email ni John Concepcion ng Bikol Xpress. Maging mga pesante raw na hindi pa natututo ng Microsoft Word ay tinuturuan na sa Adobe Premiere na gamit sa pag-eedit ng video. Ang pangangalap ng mga larawan at video, at pag-eedit ay pinag-ambagan ng maraming kamay. Iba’t iba man ang estilo sa paghawak ng kamera, at may iuunlad pa ang pag-iilaw at pagkuha ng malinaw na tunog, kamangha-mangha ang kolektibong pagbubuntis sa dokumentaryo. Lalong mahalaga ang pelikula dahil mula ito sa pagsipat ng masang nangungusap sa manonood. “Hustisya!”

Bagong Pulitika

Panunupil naman sa partidong BM (Bayan Muna) ang salaysay ng Sulo ng Bagong Pulitika. Dahil progresibo, ipinipinta ang BM bilang prente ng Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan. Pinagpapaslang ang 128 miyembro nila.

Aktibo ang militar sa pangangampanya laban sa BM at iba pang progresibong party-list. At hindi pa nawawala sa isip natin ang sapilitang pagbuhat kay Rep. Satur Ocampo pasakay sa loob ng van nang ipaaresto ng Department of Justice.

Pero mas nananaig sa kalahating oras na video ang kuwento ng tagumpay ng BM sa kabila ng panunupil. Ano ba ang programa ng BM na kinamumuhian ng estado? Sa paglalahad ng paninindigan at uri ng pamumuno ng partido, tila naging komprehensibong video ito na bumagtas sa repormang agraryo, kakulangan sa batayang serbisyo ng gobyerno, kalusugan, sahod, at trabaho.

Nagbigay ng testimonya ang ordinaryong mga misis, tsuper, at manggagawa sa pabrika sa Timog Katagalugan kung paano sila natulungan ng BM. Sa kabila ng pagbuhos ng pondo sa makinarya para durugin ang BM, sinuportahan pa rin ito ng libu-libong Pilipino.

Tamang-tama ang tambalan ng dalawang pelikula sa paggunita sa Araw ng Kalayaan. Samantalang hindi malaya ang mga mamamayang Pilipino sa panunupil, ’singtingkad ng araw ang kagustuhan ng mga mamamayan sa bagong pulitika. Kung hindi pikit ang mata ng makanood sa mga dokumentaryong ito, dahil matindi pa sa kathang-isip ang sindak ng pang-araw-araw na panunupil, hindi siya mananatiling komportableng nakaupo.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: